Thursday, November 4, 2010

#14: UNA MULA SA HULI


Sige mahalin mo pa ako,
   Sige ibuhos mo ang lahat upang
sa pagtanaw ko sa malayo ay
    magigisnan ko ay ang mundo
at hindi maginaw na kawalan.
    Harangin mo ang anumang
hangin na tutuyo sa balat
    Na nag-uumpisa nang magbitak.
Tingnan mo, ako ay lumalayo
    Upang ihalo ko ang luha ko sa
Buhangin hanggang ang putik
    Ibabalot ko sa kahubaran 
Ng kaluluwang tigang.
    Ngunit, sige mahalin mo ako
Lumuhod ka at lumuha sa
    Ibabaw ng bangkay kong nanigas
Sa bumalot na batong namuo
    Sa ilalim ng init ng araw.
Tingnan mo ako at walang
    Naririnig, nakikita, nararamdaman,
Nalalagusan ng hininga 
    Naipon anhg pawis, hangin
Dugo, sa kulungang ako rin
    ang nagsara.
Sige, mahalin mo ako at
    Dalhin mo ako pataas
Lagpas sa bubong, sa mga tore,
    sa bundok, lagpas pa ng ulap,
inilapit ang langit
    sa aking mga pisngi.
Ngunit sa wakas, nagawa
    kong pagurin ka
Napatigil kitang magmahal.
    Kamao mo'y bumuka,
Mga bisig bumigay
    Bumulusok ang katawan kong  
Di pumitlag o nangahas magpasaklolo
    Pababa lagpas sa ulap, sa bundok,
Sa tore, sa bubong at lumagpak
    Bumagsak, nawasak, nasira
Nadurog, lumuwag, lumiwanag, at
    naimulat ko ang aking mata
Upang datnan ka sa aking tabi
    humahaplos, umaaruga
Minamahal ako.


Februrary 06, 2002

No comments:

Post a Comment